Wikang Filipino?
Ano bang halaga nito?
Para Sayo?
Sa Akin kaya?
Ano bang magagawa nito sa bansa?
Wala na sigurong makapal ang mukha na makikibaka pa upang gamitin ang ating sariling wika sa pangaraw-araw na buhay. Oo nga’t kilala ang wikang ingles na pormal na ginagamit sa pangkahalatang pagsasalita, pero maririnig mo narin ito sa mga taong iniisip na mapasama sa sosyal na pagsasalita. Sikat ka daw kasi kapag ginamit mo ito kaysa sa wikang pinaglaban ng ating mga bayani.
Bakit kaya ganoon?
Ukol sa ilan, ang paggamit ng iisang wika ay magiging daan upang makamit ang rurok ng tagumpay, kasabay ng pagpupunyagi sa pagpapaunlad ng ating bayan. Ngunit sa kabilang banda, paano makakamit ang tunay na tagumpay kung sa kabila ng pawisang pagsisikap upang ianggat ang ating pangalan, naiiwan naman natin ang pagpapalawak ng ating nakagisnang kultura, ang pagsasalita ng nakagisnan at pinagsikapang palawigin ng mga unang nagmahal dito.
Minsan ko naring naranasan ang maging estranghero sa sariling bansa. Ikaw rin ba? Ang makisabay sa daloy ng makabagong panahon? Ang maging taas noo na ipahayag at gamitin ang ibang wika upang makipag-usap sa mga taong nakapaligid sayo. Nakikita naman natin sa ating henerasyon ngayon na mas kinikilala at hinahangaan ang sinumang nakakapagsalita ng mga banyagang salita kaysa sa sariling wika o mga pang probinsyang diyalekto. Dahil doon ay minarapat ng bawat isa sa atin na pagsikapang makapag-aral at makapagsalita ng banyagang lenggwahe upang maging epektibong empleyado at nakakataas sa iba sa darating na panahon.
Ngunit sa kabilang banda, nakatawag pansin sa bawat Pilipino ang ginawang adbokasiya ng isang amerikano na naglalayong patuloy na ipalaganap ang Wikang Filipino sa pamamagitan ng pagkanta sa youtube ng mga isinaling tagalong na kanta. “Ako si Chris” ito ang pamagat ng kanyang inilathalang video sa naturang site.
Sa pamamagitan nito ay pinamalas niya ang pagiging nasyonalistik, kahit na isa siyang half-blooded na pinoy lamang ay ipinagmamalaki niya ang ating wika sa pamamagitan ng sining sa pagawit.
Ikaw ba kaya mo ba iyon?
Oo, nakakahiya.
Nakakahiya na hinde natin kayang gawin ang ginawa niya.
Nakakahiya dahil hinde natin kayang sabihin at ipamukha sa ilan na tayo’y mga Pilipino.
Kaya masasabi natin na hindi pa tayo lubusang malaya at payapa. Dahil hindi natin nakikita ang kagandahan ng wikang sariling atin. Patuloy tayong nabubulag sa makabago, sikat na banyagang lenggwahe. At sa gayong kaisipan, marahil ay hindi mapapabilis ang ating pagtutulungan at pagkakaisa.
Sa aking palagay, isa sa ikauusad ng ating bansa ay ang pagkakaintindihan sa pamamagitan ng ating sariling lenggwahe na hindi ikinahihiya ang sariling atin. Wikang Filipino, sa harap ng buong mundo, pagkakaisa, pagtutulungangan at kapayapaan ang magiging daan.
Kaya’t imbes na kaawaan ang sariling wika, ba’t hindi natin ito pagtulungang ibandera at bigyan ng buhay na may sariling katauhan na iba at may espesyal na taglay.